Lakers sunog sa Suns

PHOENIX — Umiskor ang mga nagbabalik na sina Bradley Beal at Kevin Durant ng tig-23 points para sa 127-100 pagtusta ng Suns sa Los Angeles Lakers.

Kumamada si Devin Booker ng 26 points bukod sa 10 assists para pangunahan ang Phoenix (10-7) sa pagpigil sa kanilang five-game losing slump.

Hindi nakalaro si Beal sa limang asignatura ng home team habang pitong beses namang hindi nakita sa aksyon si Durant dahil sa kanilang mga injury.

Nagkuwintas si Anthony Davis ng 25 points at 15 rebounds at naglista si L­eBron James ng 18 points, 8 rebounds at 10 assists sa ikatlong sunod na talo ng Los A­ngeles (10-7).

Umiskor ang Suns ng 36 points sa third quarter at nilimitahan ang Lakers sa 18 markers para iposte ang 98-78 kalamangan papasok sa fourth period.

Sa Houston, humakot si Alperen Sengun ng triple-double na 22 points, 10 rebounds at 11 assists sa 117-111 overtime win ng Rockets (13-6) sa Minnesota Timberwolves (8-9) para kunin ang West Group A spot sa NBA Cup quarterfinals.

Sa Miami, kumamada si Damian Lillard ng 37 points at 12 assists para tulungan ang Milwaukee Bucks (9-9) sa 106-103 pagpapalamig sa Heat (7-8).

Show comments