World Beach Pro Tour Challenge hahataw sa Nuvali

Ibabandera nina Kly Orillaneda at Gen Eslapor ang Pilipinas laban sa mga matitikas na foreign teams sa Volleyball World Beach Pro Tour (BPT) Challenge Nuvali simula Nobyembre 28.

MANILA, Philippines — Magbabalik ang mga top beach volleyball players sa City of Santa Rosa sa paghataw ng Volleyball World Beach Pro Tour (BPT) Challenge Nuvali sa Nobyembre 28 hanggang Disyembre 1.

Nakataya sa Challenge level tournament ang ranking points papasok sa Elite16 ng BPT.

Kabuuang 24 teams ang papalo sa men’s class at 24 squads din sa women’s competition sa torneong nag-aalok ng premyong $75,000 sa bawat dibisyon.

Hahatiin ang mga koponan sa anim na grupo na may tig-apat na tropa bawat isa kung saan ang top two ang papasok sa knockout stage ng event na pinamamahalaan ng Philippine National Volleyball Federation sa pamumuno ni Ramon “Tats” Suzara na pangulo rin ng Asian Volleyball Confederation at executive vice president ng FIVB.

Target nina Asian Seniors Beach Volleyball champions D’Artagnan Potts at Jack Pearse ang back-to-back titles sa Nuvali na lalahukan din ng mga tropang mula sa Poland, France, Italy, Brazil, USA, Germany, Japan at Thailand.

Tatlong pares ang isasabak ng Pilipinas sa men’s side at dalawa sa women’s tournament.

Katambal ni Ran Abdilla si Lerry John Francisco, habang katuwang ni James Buytrago si Rancel Varga at kasama ni Ronniel Rosales si Edwin Tolentino.

Sina Kly Orillaneda at Gen Eslapor ang magkapareha sa women’s event bukod kina Alexa Polidario at Jen Gaviola.

Show comments