Zus Coffee balik sa porma

Naipuwersa ni Jovelyn Gonzaga ng ZUS Coffee ang kanyang spike laban kay Lucille Almonte ng Nxled.

MANILA, Philippines — Ipinakita ni Jovelyn Gonzaga ang kanyang pagiging beterano, habang pinatunayan ni Thea Gagate kung bakit siya ang hinirang na No. 1 overall pick.

Humataw si Gonzaga ng 23 points mula sa 20 attacks at tatlong blocks at naglista si Gagate ng 16 markers galing sa 10 attacks, limang blocks at isang ace sa 19-25, 25-23, 25-22, 25-15 paggupo ng ZUS Coffee sa Nxled sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Confe­rence kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.

Nag-ambag si Cloanne Mondoñedo ng 17 excellent sets para sa 1-1 kartada ng Thunderbelles at kauna-unahang panalo sa PVL matapos magtala ng 0-20 record sa kanilang league debut bilang Strong Group Athletics sa 2024 season.

Laglag ang Chameleons sa 0-2 marka.

“Lagi kong sinasabi sa mga interviews na kaila­ngan kong mag-step up,” sabi ng 33-anyos na si Gonzaga. “Kasi once na nag-step up ako, makakahugot din ng kumpiyansa ang mga teammates ko.”

Pinaniwalaan naman ito ng 6-foot-2 na si Gagate.

“Sabi nga ni ate Jovs (Gonzaga) na lahat kami may talent and potential, kailangan lang namin puliduhin as a team para makuha iyong panalo,” dagdag ng dating La Salle Lady Spikers star.

Matapos kunin ng N­xled ang first set, 25-19, ay inagaw ng ZUS Coffee ang 2-0 bentahe mula sa 25-23 at 25-22 panalo sa second at third frames, ayon sa pagkakasunod.

Kaagad hinataw ng Thunderbelles ang 10-2 kalamangan sa fourth set patungo sa 14-4 pagbaon sa Chameleons mula sa crosscourt attack ni Chinnie Arroyo.

Show comments