Busan KCC tumukod sa Bolts

Dumakdak si Meralco import Akil Mitchell laban sa KBL Champs Busan KCC Egis sa EASL.
STAR/File

MANILA, Philippines — Kinuryente ng Meralco ang Korean champion na Busan KCC Egis, 81-80, para sa ikalawang panalo nito sa 2024 East Asian Super League (EASL) kamakalawa ng gabi sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Ibinuslo ni Bong Quinto ang panablang tres habang game-winning free throw ang kinamada ni supre import Akil Mitchell para akayin sa 2-1 kartada ang Bolts sa Group B ng ligang tampok ang iba’t ibang pro league champions sa Asya.

Unang kinaldag ng Meralco, kampeon ng PBA Phi­lippine Cup, ang Macau Black Bears, 97-85, sa EASL opener sa Mall of Asia Arena bago kapusin kontra sa Japan B. League runner-up na Ryukyu Golden Kings, 77-74, sa Okinawa Arena, noong nakaraang buwan.

Bumandera sa pambihirang comeback win ng Bolts si Mitchell na iniskor ang 11 sa kanyang 33 puntos sa fourth quarter, kung saan binaklas nila ang 11-point deficit.

Nagdagdag siya ng 22 rebounds at 4 assists na wala man lang turnover para ipakita ang kakayahan bilang import din ng Meralco sa paparating na Commissioner’s Cup.

Umalalay kay Mitchell, na kapalit ni resident import Allen Durham matapos ang retirement nito, ang isa pang import na si DJ Kennedy na sumikwat ng 14 puntos, 8 rebounds at 5 assists.

Samantala, wala pa ring panalo ang PBA po­werhouse na San Miguel matapos ang 101-85 kabiguan kontra sa Taoyuan Pilots ng P.League+ ng Taiwan.

Show comments