Curry sinapawan si Thompson

Binantayan ni Klay Thompson ng Mavericks ang dati niyang ‘Splash Brother’ na si Stephen Curry ng Warriors.

SAN FRANCISCO — Nagpaputok si Stephen Curry ng 37 points, kasama ang huling 12 points ng Golden State sa fourth period, para agawin ang 120-117 panalo sa Dallas Mavericks sa pagbubukas ng NBA Cup pool play.

Nag-ambag si Jonathan Kuminga ng 16 points para sa Warriors (9-2) habang may tig-14 mar­kers sina Buddy Hield at De’Anthony Melton.

Sinapawan ni Curry ang kanyang dating ‘Splash Brother’ na si Klay Thompson na naging emosyunal sa kanyang pagbabalik sa Chase Center matapos lumipat sa Mavericks (5-6).

Tumapos si Thompson na may 22 points sa panig ng Dallas na pinamunuan ni Luka Doncic sa kanyang 31 points, 8 rebounds at 6 assists.

Niyakap ni Thompson si Curry bago ang tipoff at ang kanyang three-pointer ang nagbigay sa bago niyang tropa ng 110-105 abante bago bumida si Curry para sa Golden State.

Sa Boston, ang tip-in ni Onyeka Okongwu sa hu­ling 6.1 segundo ang nagtakas sa 117-116 panalo ng Atlanta Hawks (5-7) sa nagdedepensang Celtics (9-3).

Sa Detroit, ipinasok ni Malik Beasley ang isang tiebreaking free throw sa huling 1.1 segundo sa overtime sa 123-121 pag-eskapo ng Pistons (5-7) sa Miami Heat (4-6).

Sa Salt Lake City, bumira si Devin Booker ng 31 points para ihatid ang Phoenix Suns (9-2) sa 120-112 pagpapatumba sa Utah Jazz (2-8).

Sa Orlando, kumamada si Franz Wagner ng 32 points para akayin ang Ma­gic (6-6) sa 114-89 paggupo sa Charlotte Hornets (4-7).

Show comments