Flying Titans, Gazz Angels agawan sa buwenamano

Sisi Rondina

Bakbakan na sa PVL All-Filipino Conference

MANILA, Philippines —  Sisimulan ng Choco Mucho ang misyong ma­kabalik sa championship round sa paghataw ng 2024-2025 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.

Haharapin ng Flying Titans ang Petro Gazz Angels ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng Akari Chargers at Galeries Tower Highrisers sa alas-4 ng hapon.

Bubuksan ng Creamline Cool Smashers ang  pagdedepensa sa kanilang korona sa Nobyembre 16 laban sa Gazz Angels.

Tinalo ng Creamline ang Choco Mucho sa finals ng nakaraang PVL All-Filipino Conference.

Muling ibabandera ng Flying Titans sina Sisi Rondina, Royse Tubino, Dindin Manabat at ang nagbabalik na sina Kat Tolentino at Des Cheng.

Itatapat ng Gazz Angels sina reigning All-Filipino MVP Brooke Van Sickle, Jonah Sabete, Aiza Pontillas at MJ Phillips.

Sa unang laro, hangad ng Akari na makaba­ngon mula sa kabiguan sa Creamline sa nakaraang PVL Reinforced Confe­rence sa pagsagupa sa Galeries Tower.

Babanderahan nina Ivy Lacsina, Ced Domingo, Faith Nisperos, Fifi Sharma, Gretchel Soltones, Joy Soyud at Michelle Cobb ang Chargers kontra kina Grazie Bombita, Alyssa Eroa, Jewel Encarnacion at top rookie Julia Coronel ng Highrisers.

Samantala, inihayag ng Creamline ang pag-alis ni middle blocker Risa Sato sa kanilang kampo matapos ang anim na taon.

“Creamline would like to inform our fans that Risa Sato has requested to be released from her contract, which is set to expire at the end of December 2024. This request for early termination though will still be subject to the conditions outlined in her existing contract,” wika ng Cool Smashers.

Wala pang sinasabi ang 30-anyos na si Sato kung saang PVL team siya lilipat.

Show comments