MANILA, Philippines — Binanderahan nina SPIN.ph editor Dodo Catacutan, Philippine Star sports ed Nelson Beltran at dating national player Jerome Delariarte ang mga big winners sa 3rd PSA Cup golf tournament sa Manila Southwoods Golf and Country Club.
Pumalo si Catacutan ng isang even-par 72 sa ilalim ng System 36 format para pagharian ang Class A.
Sumegunda si Rey Bancod ng Daily Tribune sa kanyang 74 matapos ungusan sina Jong Arcano (third placer) at Dante Navarro ng Inquirer Golf via countback.
Napanatili naman ni Beltran ang kanyang hawak na Class B title sa torneong pinamahalaan ng Southwoods sa kanilang Masters layout na pagdarausan ng pagbabalik ng Philippine Open sa Enero matapos ang five-year absence.
Kapwa naglista sina Beltran at Aldrin Quinto ng Business Mirror ng parehong 81, ngunit nanalo ang Philippine Star sports editor via countback.
Pumangatlo si Rocky Nazareno ng Manila Bulletin na may 83.
Sa sponsors’ division, dinomina ni Delariarte, dating national champion, nagwagi sa pro tour at ngayon ay assistant GM sa Southwoods, ang labanan sa kanyang 69.
Pumangalawa si MPBL Commissioner Kenneth Duremdes (70) kasunod si Ariel Francisco (71) sa torneong suportado ng ICTSI at Philippine Sports Commission, nina Nonong Araneta at Jeff Cheng at ng Premier Volleyball League, MPBL, Macbeth at NLEX.