MANILA, Philippines — Muling kinansela ng NCAA Management Committee (ManCom) ang dalawang laro sana ngayong hapon sa Season 100 men’s basketball tournament sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Ito ay dahil sa patuloy na pananalasa ng bagyong ‘Kristine’ sa Metro Manila simula noong Miyerkules.
Makakatapat sana ng Arellano University ang Mapua University sa alas-12 ng tanghali.
Sa ikalawang laro sa alas-2:30 ng hapon ay maghaharap dapat ang nagdedepensang San Beda University at kulelat na San Sebastian College-Recoletos.
Nauna nang kinansela ng NCAA ManCom ang dalawang laro noong Miyerkules dahil sa pagragasa ng bagyong ‘Kristine’.
Patuloy ang pagsosolo ng St. Benilde sa liderato tangan ang 10-2 record kasunod ang Mapua (10-3), San Beda (8-5), Letran College (7-6), Emilio Aguinaldo College (6-6), Lyceum of the Philippines University (6-6), Arellano (5-8), University of Perpetual Help System DALTA (5-8), Jose Rizal University (3-9) at San Sebastian (3-10).
Maglalabas ang NCAA ManCom ng bagong schedule ng mga apektadong mga laro sa susunod na araw sa pag-alis sa bansa ng bagyong ‘Kristine’.