Tatum nagpaulan ng 8 tres sa panalo ng Celtics sa Knicks

Natakasan ni Celtics forward Jayson Tatum si Knicks center Karl-Anthony Towns para sa kanyang layup.

BOSTON — Bumanat si Jayson Tatum ng 37 points tampok ang walo sa NBA record-tying 29 three-point shots ng nagdedepensang Celtics sa 132-109 pagdurog sa New York Knicks sa pagbubukas ng 79th season kahapon.

Nagdagdag si Derrick White ng 24 points habang may 23 markers si Jaylen Brown para sa Boston na itinaas ang kanilang NBA-most 18th championship banner bago ang laro.

“For a lot of us, that was our first experience getting a ring and raising the banner. So tonight was special. To kind of have to reset and go try to win a basketball game against a really good team...the way that we just came out and responded and played the right way,” sabi ni Tatum.

Pinamunuan nina Jalen Brunson at Miles McBride ang New York sa kanilang tig-22 points at nagtala si center Karl-Anthony Towns ng 12 markers at 7 rebounds.

Nagposte ang Celtics ng 35-point lead bago i—mintis ang kanilang 13 triples sa hangaring mabura ang NBA record.

Matapos kunin ng defending champion ang 74-55 halftime lead ay hindi na nakalapit ang Knicks.

Sa Los Angeles, guma­wa ng NBA history sina Le­Bron at Bronny James bilang kauna-unahang father-and-son duo na sabay na naglaro sa isang regular season.

Tumipa ang 39-anyos na si LeBron ng 16 points, 5 rebounds at 4 assists at wala namang naiskor ang 20-anyos na si Bronny sa kanyang NBA debut sa 110-103 panalo ng Lakers sa Minnesota Timberwolves.

“To see him play in a college Division I game the same year he had heart surgery ... I knew that at that moment that there really was going to be nothing to stop him from anything that he wants to do,” ani LeBron kay Bronny.

Humakot si Anthony Davis ng 36 points at 16 rebounds para sa LA.

Pinamunuan ni Anthony Edwards ang Timberwolves sa kanyang 27 points habang may 16 markers si Julius Randle.

Show comments