MANILA, Philippines — Kinumpleto ng nagdedepensang San Beda University ang elimination sweep sa University of Perpetual Help System DALTA matapos ilusot ang 57-53 panalo sa second round ng NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa Filoil EcoOil Center sa San Juan City.
Nagpakawala si Yukien Andrada ng 21 points tampok ang limang three-point shots para itaas ang baraha ng Red Lions sa 8-4.
Nagdagdag si center Bismarck Lina ng siyam na puntos at may walong marka si Jomel Puno.
“It’s our defense, especially in the second quarter. I think we limited them to seven points and that’s what fueled ‘yung offense namin,” sabi ni coach Yuri Escueta.
Bagsak ang Altas sa 5-7 na mabigong makapagtala ng back-to-back wins.
Mula sa 29-26 halftime lead ay kumalas ang San Beda sa third period para ilista ang 44-31 abante mula sa triple ni RC Calimag sa 2:41 minuto nito.
Nakalapit ang Perpetual sa 50-54 sa huling 1:28 minuto sa fourth quarter sa likod ng arangkada nina JP Boral at Christian Pagaran.
Ngunit nagsalpak si guard Penny Estacio ng krusyal na tres para muling ilayo ang Red Lions sa 57-50 sa natitirang minuto ng laro.
Pinamunuan ni rookie guard Mark Gojo Cruz ang Altas sa kanyang 14 points, habang may 11 at 10 markers sina Jearico Nuñez at Pagaran, ayon sa pagkakasunod.
Sa ikalawang laro, tinalo ng Mapua University ang Letran College, 86-78.
Nilipad ng Cardinals ang kanilang ikatlong sunod na panalo para sa 9-3 kartada sa ilalim ng lider na St. Benilde Blazers (9-2).
Lagapak ang Knights sa 6-6 na nasa three-game losing slump ngayon.
Humakot si Chris Hubilla ng halos triple-double sanang 19 points, 10 rebounds at 9 assists para banderahan ang Mapua na tinambakan ang Letran sa 77-66 sa gitna ng fourth quarter.
Nagtabla ang dalawang koponan sa halftime, 44-44, bago nakawala ang Cardinals sa Knights sa fourth period.