MANILA, Philippines — Gamit ang matinik na three-point shooting sa second period, itinumba ng Ryukyu ang Meralco, 77-74, sa East Asia Super League Season 2 sa Okinawa Arena sa Japan.
Umiskor ang Golden Kings, ang 2023 runner-up sa Japan B. League, ng 28 points sa nasabing yugto sa likod ng mga triples nina Yoshiya Uematsu, Masahiro Waki, Yoshiyuki Matsuwaki at Ryuichi Kishimoto at pagkalabaw nina import Victor Law at naturalized player Alex Kirk sa ilalim.
Humakot si Law, naglaro sa Orlando Magic, ng 18 points at 12 rebounds habang may 18 at 12 markers sina Jack Cooley at Kirk, ayon sa pagkakasunod.
Kumolekta si import DJ Kennedy ng 30 points at 12 rebounds sa panig ng Bolts na nagmula sa 97-85 paggupo sa Macau Blackbears sa season opener noong Oktubre 2 sa MOA Arena.
Nag-ambag sina Chris Newsome at import Allen Durham ng tig-14 markers.
Hindi naglaro sina veteran forward Cliff Hodge at injured Allein Maliksi at CJ Cansino.
Kinuha ng Ryukyu ang 51-35 halftime lead bago nakalapit ang Meralco sa pagtatapos ng third period, 57-66.
Nagkaroon ang Meralco ng tsansang makahirit ng overtime kundi lamang nagmintis si Durham sa kanyang 3-point attempt sa pagtunog ng final buzzer.