Tropang Giga amoy na ang finals berth
MANILA, Philippines — Isang panalo na lamang ang kailangan ng nagdedepensang TNT Tropang Giga para sa PBA Finals.
Inilusot ng Tropang Giga ang 81-79 panalo laban sa Rain or Shine Elasto Painters sa Game Four ng Season 49 PBA Governors’ Cup semifinal series kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Kinuha ng TNT ang 3-1 lead sa kanilang best-of-seven showdown ng Rain or Shine.
Target ng koponan ni coach Chot Reyes ang kanilang ika-23 finals appearance para sa hangad na pang-10 korona.
Humakot si import Rondae Hollis-Jefferson ng all-around game na 23 points, 19 rebounds, 5 assists at 5 steals para ibangon ang Tropang Giga mula sa kabiguan sa Elasto Painters sa Game Three.
“It was a completely defensive ballgame and we just made a couple more stops than they did,” wika ni Reyes.
Walang nakapagtayo ng double-digit lead sa dalawang koponan hanggang isalpak ni Rey Nambatac ang isang three-point shot sa 1:11 minuto ng fourth quarter para sa 79-76 abante ng TNT.
Itinabla ni Leonard Santillan ang Rain or Shine sa nakumpleto niyang 3-point play sa huling 45.7 segundo.
Ang slam dunk ni Hollis-Jefferson ang muling nagbigay sa Tropang Giga ng 81-79 bentahe sa nalalabing 37.3 segundo.
Bigo naman ang Elasto Painters na makapuntos sa kanilang posesyon tampok ang supalpal ni Hollis-Jefferson kay Jhonard Clarito.
- Latest