MANILA, Philippines — Ang pagsolo sa second spot ang misyon ng Mapua University sa pagsagupa sa Emilio Aguinaldo College sa second round ng NCAA Season 100 men’s basketball tournament.
Lalabanan ng Cardinals ang Generals ngayong alas-2:30 ng hapon matapos ang bakbakan ng nagdedepensang San Beda Red Lions at Lyceum Pirates sa alas-12 ng tanghali sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Solo ng College of St. Benilde ang liderato bitbit ang 8-2 record kasunod ang San Beda (7-3), Mapua (7-3), Letran (6-5), EAC (5-5), Lyceum (5-5), University of Perpetual Help System DALTA (5-6), Jose Rizal University (3-7), Arellano University (3-7) at San Sebastian College-Recoletos (2-8).
Umiskor ang Cardinals ng 75-71 panalo sa Heavy Bombers kung saan bumanat si Yam Concepcion ng career-high 19 points habang may 14 markers si reigning MVP Clint Escamis.
“Walang kapalit ‘yung sipag eh, and so nandito na siya, nabigyan na siya ng chance. So tuluy-tuloy lang,” ani coach Randy Alcantara sa 6-foot-3 na si Concepcion na humakot din ng siyam na rebounds.
Nagmula naman ang Generals sa come-from-behind 78-70 win sa Altas tampok ang pagbangon mula sa isang 24-point deficit, 20-44, sa second period.
Sa unang laro, hangad din ng Red Lions na masolo ang ikalawang puwesto sa pagsagupa sa Pirates.
Tinalo ng San Beda ang Arellano, 79-65, samantalang pinadapa ng Lyceum ang Letran, 91-68, sa kanilang mga huling laro.