MANILA, Philippines — Isang import na lamang na may unlimited height ang mapapanood sa darating na Season 49 PBA Commissiner’s Cup.
Kasabay nito ang pagpasok ng Hong Kong Eastern bilang guest team sa torneong didribol sa Nobyembre 27.
Inaasahang magdadala ng mga imports ang Hong Kong Eastern, pinagmulan ni Christian Standhardinger sa ASEAN Basketball League (ABL), na naglalaro din sa East Asia Super League (EASL) kung saan dalawang imports ang puwedeng isaang.
“Imports natin for the Commissioner’s Cup isa lang with unlimited height. Pinag-usapan din namin sa Hong Kong Eastern ‘yun. And pumayag din sila doon,” ani PBA Commissioner Willie Marcial.
Sa PBA rules, maaaring palitan ang original import at ilagay sa injured/reserved list para muling makabalik sa torneo.
Ngunit ang replacement import na pinalitan ay hindi na puwedeng paglaruin.
“Puwede silang magpalit (ng import) pero according sa regulations natin,” sabi ni Marcial sa Hong Kong Eastern.
Ipapanalisa ng PBA at ng guest team ang kontrata.
“Kontrata na lang. Pero in principle ok na kami nu’ng team owner (chairman Frankie Yau). Kausap ko siya nu’ng isang araw nasa Europe siya. Gagawa na lang ng kontrata,” wika ni Marcial.
Gusto ng HK Eastern ng isang two-year stint sa PBA.