MANILA, Philippines — Nakasentro ang atensiyon ng lahat kay De La Salle University star Kevin Quiambao sa UAAP Season 87 men’s basketball tournament.
Tunay na maingay ang pangalan ni Quiambao na solido ang inilalaro para sa Green Archers na magtatangkang depensahan ang kanilang korona sa season na ito.
Mataas ang IQ ni Quiambao sa paglalaro dahilan para makuha nito ang atensiyon ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone.
Makailang ulit nang sumalang si Quiambao kasama ang Gilas Pilipinas.
Malaking karangalan para sa 6-foot-5 player na mapabilang sa national team kasama ang mahuhusay na pro players sa bansa.
“As a player, this is a big achievement in my career knowing that it’s the Philippine flag that’s draped on the jersey I’m wearing,” ani Quiambao sa programang Power and Play.
Naging bahagi si Quiambao ng Gilas noong 2022 FIBA Asia Cup, FIBA Basketball World Cup 2023 Asian Qualifiers, FIBA Asia Cup 2025 Qualifiers at FIBA Olympic Qualifying Tournament.
Nakapaglaro pa ito kasama si dating NBA superstar Dwight Howard sa Strong Group Athletics na sumabak sa Dubai International Basketball Championships sa United Arab Emirates.
Kaya naman ang mga natutunan nito sa Gilas Pilipinas ang dinadala nito sa UAAP.