Amores papatawan ng suspension
MANILA, Philippines — Hanggang ngayon ay wala pang desisyon ang PBA Commissioner’s Office kung ano ang gagawin sa sitwasyon ng kontrobersyal na si John Amores ng NorthPort.
Nasangkot si Amores sa isang shooting incident sa Lumban, Laguna kung saan pinaputukan niya ang nakalaban sa isang pick up game noong Setyembre 25.
Nakapagpiyansa si Amores kinabukasan at sinampahan ng kasong attempted homicide.
Ipinatawag ni PBA Commissioner Willie Marcial ang dating Jose Rizal Heavy Bombers forward noong Oktubre 1 para hingan ng written explanation matapos labagin nito ang ilang probisyon sa Uniform Players’ Contract (UPC).
Matapos ang tatlong araw ay nagsumite si Amores ng kanyang sagot.
“Pag-aaralan na namin ng legal, nina Atty. Ogie Narvasa at (NorthPort Governor) Erick Arejola. Siguro magmi-meeting kami next week kung ano mang sinagot niya,” wika ni Marcial sa Batang Pier guard.
Pinapirma ng NorthPort ang 27-anyos na si Amores ng isang one-year contract na may bisa pa hanggang ngayon matapos masibak ang Batang Pier sa Season 49 PBA Governors’ Cup.
“As of now wala pa (suspension). Pero puwede. Pero ‘yun nga tinitingnan namin kung paano. Kailangan ba suspend? Puwede ba siyang maglaro sa PBA o hindi na? O habang may kaso? So ‘yun mga pinag-aaralan. Nagkaroon tayo ng due process sa kanya,” ani Marcial.
- Latest