MANILA, Philippines — Kasama si eight-division world champion Manny Pacquiao sa listahan ng mga nominado para sa prestihiyosong International Boxing Hall of Fame.
Sa ulat na inilabas ng The Ring, isa ang Pinoy champion sa mga nominado para sa naturang parangalan na igagawad sa susunod na taon.
Pasok na pasok ang pangalan ni Pacquiao dahil sa malaking kontribusyon nito sa mundo ng boxing.
Kasama pa ang mahabang listahan ng tagumpay nito para maging karapat-dapat na mapasama sa Hall of Fame.
Si Pacquiao lamang ang bukod-tanging boksingero sa buong mundo na may world title sa walong magkakaibang dibisyon.
Nagkampeon ito sa flyweight, super bantamweight, featherweight, super featherweight, lightweight, light welterweight, welterweight at light middleweight.
Ilan sa mga kilalang boksingerong tinalo nito ay sina Erik Morales, Marco Antonio Barrera, Juan Manuel Marquez, Oscar dela Hoya, Ricky Hatton, Antonio Margarito at Shane Mosley.
Nakaharap din nito sina Brandon Rios, Bradley, Chris Algieri at undefeated American fighter Floyd Mayweather, Jr.
Sa kanilang laban ni Mayweather na tinawag na ‘Fight of the Century’ noong 2015 ay hindi pinalad na makuha ni Pacquiao ang inaasam na panalo.