MANILA, Philippines — Pakay ng Ateneo De Manila University at National University na tuldukan ang kanilang mga kamalasan sa UAAP Season 87 men’s basketball tournament.
Pero isa lang ang matutupad ang asam dahil magkatapat sila ngayong alas-6:30 ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Galing sa four-game losing skid ang Bulldogs, tangan nila ang 1-5 karta kaya asahang gagawin nila ang lahat para masikwat ang matagal ng inaasam na panalo.
Tiyak na kakapit ang Bulldogs sa mabangis na opensa nina Steve Nash Enriquez at Jojo Manansala para ibangga sa mga tirador ng Blue Eagles.
Para sa Ateneo na kaparehong karta ng Bulldogs ay sisikapin naman nilang kalsuhan ang pangalawang sunod na kabiguan kaya asahang bakbakang umaatikabo ang masisilayan ng mga fans dahil pareho ang plano ng dalawang koponan.
Samantala, maghaharap sa unang laro ang Far Eastern University of Tamaraws at University of Sto. Tomas Growling Tigers sa alas-4:30 ng hapon.
Iba naman ang nais ng Tamaraws.
Ito ang maipagpatuloy naman ang nasimulan na panalo upang mapanatiling may tsansa sa asam nilang makapasok sa Final Four.
Magkakatulad ang baraha ng FEU, NU at Ateneo kaya kailangan nilang magpanalo sa mga natitira nilang laro sa nasabing double round robin format.