MANILA, Philippines — Puntirya ni WBO international junior lightweight champion Charly Suarez na maikasa ang isang world title bout sa Mall of Asia Arena sa Pasay City o sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Gumagalaw na ang kampo ni Suarez sa pangunguna ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson na siyang pangunahing sumusuporta sa Pinoy champion.
Ayon kay Singson, sinisimulan na ang negosasyon para matuloy ang laban ni Suarez sa harap ng mga kababayan nito na target ganapin sa Disyembre.
“We’re willing to finance na dito maganap and if possible the championship fight be here in the Philippines — it’s either sa Mall of Asia Arena or sa Philippine Arena,” ani Singson.
Kinatawan ni Singson sa Amerika si Filipino-American Ricky Navalta na siyang nagsisilbing team manager ni Suarez sa tuwing nasa Amerika ito.
Target ng grupo ni Suarez na maikasa ang world title fight kontra kay Emmanuel Navarrete ng Mexico.
Si Navarrete ang kasalukuyang World Boxing Organization (WBO) super featherweight champion.
Sariwa pa si Suarez sa matagumpay na third-round knockout win laban kay Jorge Castaneda noong Setyembre na ginanap sa Glendale, Arizona.
“After this events, simula na agad kami sa training to prepare para sa possible December fight,” ani Suarez.
Kung matutuloy ang laban, mas lalong gaganahan si Suarez dahil makakalaban ito sa harap ng mga kababayan nitong siguradong susuporta sa kanya.
“Added motivation yun para sa akin na dito lumaban. Kung ibigay sa amin ang pagkakataon, ta-trabahuhin lang talaga namin yung ganung bagay dahil bihira dumating ang ganung opportunity,” ani Suarez.
Kaya naman agad na tutulak pa-Amerika si Navalta upang makipag-negosasyon at agad na malaman ang gagastusin para mairaos sa Pilipinas ang laban.
Hihintayin na lamang ng grupo ni Suarez kung tatanggapin ng kampo ni Navarrete ang offer.
“Kami ang mag-ooffer, nasa kanila na (Navarrete) if tatanggapin nila. Kaya ko gusto naman mag-finance niyan dahil kaligayahan ng mga Pilipino ang boxing, basketball and beauty contest,” ani Singson.