MANILA, Philippines — Pinatumba ng bisitang Suwon KT Sonicboom ang San Miguel, 87-81, sa 2024-2025 season ng East Asia Super League (EASL) kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Iniskor ni American import Rashaun Hammonds ang 21 sa kanyang 39 points sa third period para banderahan ang panalo ng Sonicboom sa Group A.
“Amazing. It’s a great experience playing in front of the Filipino fans,” wika ng 6-foot-9 reinforcement sa kanyang EASL debut.
Binanderahan ni import EJ Anosike ang Beermen sa kanyang 34 markers.
Ang fastbreak basket ni Anosike ang nagbigay sa San Miguel ng 43-36 bentahe sa 1:02 minuto ng first period.
Sa third period ay nagsimulang kumamada si Hammonds kung saan niya pinamunuan ang isang 17-9 atake ng Suwon KT, ang runner-up sa Korean Basketball League (KBL), para sa kanilang 60-52 abante.
Nakadikit ang Beermen sa 73-75 sa likod nina Anosike, eight-time PBA MVP June Mar Fajardo, Don Trollano at Marcio Lassiter sa 5:41 minuto ng final canto.
Ngunit isang 12-2 bomba ang inihulog ng Sonicboom sa pamumuno nina Hammonds at Heo Hoon para muling makalayo sa 87-75 sa huling dalawang minuto ng laro.
Kasama ng San Miguel at Suwon KT sa Group A ang Japan B.League champion Hiroshima Dragonflies, Taiwan P.League+ runner-up Taoyuan Pauian Pilots at Hong Kong Eastern.