MANILA, Philippines — Winakasan ng nagdedepensang San Beda University ang three-game winning streak ng Letran College matapos ilusot ang 66-64 panalo sa NCAA Season 100 men’s basketball tournament kahapon sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City.
Isinalpak ni rookie guard Bryan Sajonia ang krusyal na three-point shot sa huling 42.6 segundo sa fourth quarter para itaas ang baraha ng Red Lions sa 4-3.
Tumapos si Sajonia na may walong puntos mula sa masamang 3-of-12 field goal shooting.
Humakot si Jomel Puno ng 22 points, 10 rebounds at 2 assists.
“We lost our defensive mindset. And that’s our bread and butter, defense. I just told them just play defense and the offense will take care of itself,” ani coach Yuri Escueta.
Nadulas ang Knights sa third spot sa kanilang 5-3 kartada.
Nauna nang ibinigay ni Jimboy Estrada sa Letran ang 64-63 bentahe sa huling 50.8 segundo kasunod ang triple ni Sajonia para sa 66-64 kalamangan ng San Beda.
Pinamunuan ni Kevin Santos ang Knights sa kanyang career-high 18 points at 9 rebounds.
Nag-ambag si Estrada ng 16 markers at may 12 points si Deo Cuajao.
Sa unang laro, tinakasan ng College of St. Benilde ang San Sebastian College-Recoletos sa overtime, 96-94.
Iniskor ni Tony Ynot ang lima sa kanyang 23 points sa extra period, habang isinalpak ni Jhomel Ancheta ang kanyang lay-up sa huling 3.3 segundo para sa 6-1 marka ng Blazers.
“I’m not happy at all. This is probably maybe the worst win in my life,” wika ni coach Charles Tiu sa kanyang tropa.
Laglag naman ang Stags sa 2-6 kasama ang masaklap na anim na dikit na kamalasan.