Back-to-back wins para sa Perpetual
MANILA, Philippines — Sinuwag ng University of Perpetual Help System DALTA ang ikalawang dikit na panalo matapos gibain ang San Sebastian College-Recoletos, 60-52, sa NCAA Season 100 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Humakot si Christian Pagaran ng 12 points, 9 rebounds, 3 assists at 1 block at tumipa si Cedrick Abis ng 12 markers, 3 steals at 2 boards para sa 4-2 record ng Altas.
Nagdagdag si rookie guard Mark Gojo Cruz ng 10 points para ihulog ang Stags sa 2-4 tampok ang apat na dikit na kamalasan matapos ang 2-0 panimula sa torneo.
“Well, ‘yung sinabi namin sa pre-game namin that you know, San Sebastian is coming off three straight losses and sinabi namin na for sure, gusto nilang bumawi, and kami naman galing sa panalo. Ang tendency is mag-relax ka eh,” ani Perpetual coach Olsen Racela.
Mula sa 14-11 abante sa first period ay nakalayo ang Altas sa third period, 48-38, at hindi hinayaang makadikit ang Stags na nakahugot kay Paeng Are ng 11 points.
Sa ikalawang laro, ginulat ng Lyceum of the Philippines University ang Mapua University, 96-81, para sa kanilang pangatlong sunod na arangkada.
Bumira si John Barba ng 25 points upang itaas ang kartada ng Pirates sa 3-2, habang pinigilan ang three-game winning streak ng Cardinals para sa 3-1 marka nito.
Matapos kunin ng Mapua ang 66-65 bentahe sa pagtatapos ng third quarter ay umarangkada ang Lyceum sa fourth period kung saan nila itinayo ang 78-70 kalamangan ga-ling sa three-point shot ni Jonathan Daileg sa 5:34 minuto nito.
Ang nakumpletong 3-point play ni Barba sa huling 43.3 segundo ang naglayo sa Pirates sa 90-80 para selyuhan ang panalo sa Cardinals.
- Latest