MANILA, Philippines — Pinuna ni Asian champion at world No. 3 EJ Obiena ang promosyon ng ilang kumpanya na gumagamit sa kanyang pangalan nang walang pahintulot.
Nilinaw ni Obiena na hindi nito iniendorso ang anumang sugal o gambling site gayundin ang ilang alcoholic drinks.
Sinabi ni Obiena na mapili ito sa mga produktong iniendorso lalo pa’t maraming kabataan ang nakasubaybay sa kanya.
“I am dragging myself to share stuff like this but it’s necessary to inform all of you that I don’t endorse gambling! I would like to reassure everyone that I pick and choose very carefully which products/brands I endorse/promote,” ani Obiena sa kanyang post sa social media.
Iginiit ni Obiena na hindi ito usaping pinansiyal.
Sa halip, pinipili nito ang mga produktong nakalinya sa kanyang paniniwala at may magandang values na maitutulong partikular na sa mga kabataan.
“It’s never “just about the money” but it has to be a product I can believe in; and also a product that doesn’t undermine values; and supports a healthy and thriving society. The latter is why I have refused to endorse alcoholic products and/or gambling businesses,” aniya.
Hindi pinangalanan ni Obiena ang mga kumpanyang gumagamit sa kanyang pangalan o larawan.
Pinag-aaralan na ng legal team ni Obiena sa magiging aksyon nito.
“Whist my lawyers are pursuing this kind of “Guerilla” marketing legally, I wanted to in-parallel tell everyone directly I am in no way endorsing any alcohol or gambling related products. Ever. Never ever,” aniya.