Ignacio hari sa Japan Open

Pinagharian ni Ignacio ang 37th Japan Open men’s 10-ball matapos ilampaso si Lin Tsung-Han ng Chinese-Taipei sa bisa ng 8-3 desisyon.
STAR/File

MANILA, Philippines — Patuloy ang pamamayagpag ng Pinoy cue masters sa world stage matapos madagdag si Jeffrey Ignacio sa listahan ng mga bagong kampeon.

Pinagharian ni Ignacio ang 37th Japan Open men’s 10-ball matapos ilampaso si Lin Tsung-Han ng Chinese-Taipei sa bisa ng 8-3 desisyon.

Napasakamay ni Ignacio ang tumataginting na $9,400 premyo o katumbas ng mahigit P500,000 premyo.

Nakapasok si Ignacio sa finals nang gapiin nito si Japanese bet Satoshi Kawabata sa semifinals sa bisa ng 7-5 desisyon.

Naging inspirasyon din nito sina reigning world champion Rubilen Amit at Johann Chua na parehong sariwa pa sa matamis na tagumpay sa kani-kanyang laban.

“Thank you to my inspirations here, to the recent World Champion Rubilen ‘Bingkay’ Amit, who inspired me with your never-give-up attitude, and especially to you, Brother Johann Chua, whose consistency is truly motivating,” ani Ignacio.

Matatandaang sinimulan ito ni Amit nang masungkit nito ang kampeo­nato sa 2024 Massé WPA Women’s World 9-Ball Championship noong Miyerkules.

Sinundan ito ni Chua ng isa pang kampeonato para sa Pilipinas matapos mamayagpag sa China Open 9-Ball sa Shanghai, China noong Biyernes.

Sasalang na si Amit sa Pudong WPA 9 Ball China Open na idaraos sa Shanghai, China sa linggong ito.

Show comments