Fajardo, Bolick pararangalan ng PBAPC

June Mar Fajardo.
STAR / File

MANILA, Philippines —  Pararangalan sina NLEX star guard Robert Bolick at eight-time PBA MVP June Mar Fajardo ng San Miguel sa 30th PBA Press Corps Awards Night sa Setyembre 24 sa Novotel Manila Araneta City.

Igagawad kay Bolick ang Season 48 Scoring Champion, habang ibibigay kay Fajardo ang Order of Merit award.

Bumanat ang 32-anyos na si Bolick ng average na 25.3 points para maging scoring leader sa kanyang unang season sa NLEX mula sa trade sa NorthPort sangkot si Don Trollano.

Ang kanyang season average ang pinakamataas sa hanay ng mga locals sa nakalipas na 11 seasons mula nang maglista si Gary David ng 25.8 points per game para sa Powerade noong 2011-12 season.

Ito naman ang ikatlong Order of Merit award ng 6-foot-10 na si Fajardo mula sa grupong regular na nagkokober ng PBA beat matapos noong 2018 at 2019.

Dalawang beses hinirang ang San Miguel big man bilang PBAPC-Pi­lipinas Live Player of the Week katabla sina Arvin Tolentino ng NorthPort at Jason Perkins ng Phoenix.

Bumida si Fajardo sa kampanya ng Beermen sa nakaraang Commissioner’s Cup semifinals (Jan. 24-28) at sa Philippine Cup playoffs (May 15-19) para ungusan sina Perkins at Tolentino sa Order of Merit citation.

Show comments