MANILA, Philippines — Tinapos ng Converge ang tatlong dikit na kamalasan matapos talunin ang NorthPort, 107-99, sa PBA Season 49 Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Binuhay ng FiberXers ang tsansa sa eight-team quarterfinal round bitbit ang 3-4 baraha katabla ang Batang Pier sa Group A.
“We started out quite well in the first half but then iyong third quarter that was our loophole in this game,” ani coach Franco Atienza.” Basically we all know that we’re up against a really fast team. No. 1 in fastbreak, No. 2 in turnover points and No. 1 in steals.”
Kumamada si Alex Stockton ng 21 points at may 17, 15, 12 at 10 markers sina Schonny Winston, Bryan Santos, import Scotty Hopson at Kevin Racal, ayon sa pagkakasunod.
Nagtayo ang Converge ng 16-point lead sa first half na tinabunan ng NorthPort sa likod nina import Venky Jois at Will Navarro para agawin ang 92-84 abante sa 5:38 minuto ng fourth period.
Nagtuwang sina Winston, Stockton at Santos para sa isang 17-7 ratsada ng FiberXers patungo sa 101-99 bentahe sa huling 1:07 minuto.
Ang basket ni Winston at dalawang free throws ni Stockton ang tuluyan nang naghulog sa Batang Pier sa 99-105 sa natitirang 23.9 segundo ng laro.
Samantala, sa hangaring palakasin ang kanilang mga tsansa sa eight-team quarterfinal round ng Season 49 PBA Governors’ Cup ay nagkasundo ang Phoenix at NLEX sa isang trade kahapon.
Ibibigay ng Fuel Masters si Javee Mocon sa Road Warriors kapalit ni Ato Ular at isang second-round pick sa Season 51.
Kailangan pa itong aprubahan ng PBA trade committee.
Si Mocon, ang No. 6 overall pick noong 2018 draft ng Rain or Shine ay nakuha ng Phoenix sa isang 2022 trade kapalit ni Nick Demusis at dalawang future draft picks.
Naging limitado ang playing time ni Ular sa NLEX matapos ang impresibong kampanya para sa Blackwater noong 2022 sa kanyang rookie year.
May 3-3 baraha ang Road Warriors sa Governors’ Cup, habang bagsak sa 0-6 ang Fuel Masters.