MANILA, Philippines — Lumapit ang Rain or Shine sa isang quarterfinals berth matapos patumbahin ang Phoenix, 122-107, sa PBA Season 49 Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Bumangon ang Elasto Painters mula sa naunang kabiguan para itaas ang baraha sa 5-1 at ibinagsak ang Fuel Masters sa 0-6 marka sa Group B.
Umiskor sina import Aaron Fuller at Adrian Nocum ng tig-16 points at may 14, 13, tig-12 at 10 markers sina Gian Mamuyac, Anton Asistio, Andrei Caracut, Caelan Tiongson, Felix Lemetti at Jhonard Clarito, ayon sa pagkakasunod.
“We know Phoenix is not playing up to their potential, they are struggling. I think they’re import got here a little late. Siguro kung mas maagang nakarating ang import nila baka mas malaki iyong chance nila makapasok (sa quarterfinals),” ani Rain or Shine coach Yeng Guiao kay Brandone Francis na umiskor ng 31 points para sa Phoenix.
Umarangkada ang Elasto Painters ng isang 12-2 atake tampok ang dalawang sunod na three-point shot ni Mamuyac para sa 111-99 paglayo sa 4:04 minuto ng fourth period.
Tuluyan nang sumuko ang Fuel Masters nang malugmok sa 101-119 sa huling 1:23 minuto ng laro.
Samantala, puntirya ng San Miguel (3-2) ang ikalawang sunod na panalo sa pagharap sa NLEX (3-3) ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng NorthPort (3-3) at Converge (2-4) sa alas-5 ng hapon sa Ninoy Aquino Stadium.