MANILA, Philippines — Humugot ng lakas ang Adamson University sa second half upang tukain ang 59-47 panalo kontra Far Eastern University sa second day ng 87th season ng UAAP men’s basketball tournament na nilaro sa Smart Araneta Coliseum kagabi.
Nagkumahog sa first quarter ang Soaring Falcons matapos ilista ang pitong puntos lamang papasok ng second period pero bumawi ang San Marcelino-based team sa second-half upang burahin ang 11 puntos na pagkakalubog.
At pagsapit ng fourth quarter ay magaan na silang naglaro dahil angat na ang Adamson ng 18 puntos matapos silang pangunahan sa opensa nina Royce Mantua, Matthew Montebon at Matt Erolon.
“Not really surprised that we struggled today because going to the UAAP opening, the last couple of weeks we were struggling as a group,” ani Adamson head coach Nash Racela. “It showed especially in the first half where the team wasn’t really settling down.”
Pinamunuan ni Mantua ang puntusan para sa Soaring Falcons matapos tumikada ng 14 points, apat na rebounds at dalawang assists habang may 11 at 10 markers ang kinana nina Montebon at Erolon, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, pasiklab agad ang mga bagong players ng University of Sto. Tomas nang talunin nila ang University of the East, 70-55 sa unang laro
Bumira agad si Malienne big man Mo Tounkara sa kanyang unang laro bilang Tigers ng 13 puntos para sa España-based squad.