Beda sisimulan ang title defense vs Lyceum

CEBU, Philippines — Bubuksan ng San Beda University ang pagtatanggol sa korona sa pagdribol ng NCAA Season 100 men’s basketball tournament ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Lalabanan ng San Beda ang host Lyceum of the Phi­lippines University sa alas-2:30 ng hapon kasunod ang upakan ng Mapua University at College of Saint Benilde sa alas-4:30.

Wala na sa Red Lions sina key players Jacob Cortez, Peter Alfaro, Damie Cuntapay at Clifford Jopia.

Lumipat si Cortez, anak ni dating PBA guard Mike Cortez, sa De La Salle Green Archers sa UAAP  habang naglalaro na sa PBA sina  Alfaro, Cuntapay at Jopia.

“We won a championship last year and we know teams are going to go hard against us,” wika ni coach Yuri Escueta.

Sina team captain Yu­kien Andrada, Nygel Gonzales, James Payo­sing, Jomel Puno, Emman Tagle, Joshua Tagala at AJ Royo ang sasandigan ng San Beda para sa asam na back-to-back crown.

Si Greg Cunanan ang tatayong lider ng Pirates matapos mawala sina Enoch Valdez, Shawn Umali at Oman Omandac.

Show comments