Ika-3 sunod niratrat ng Bolts

Tinirahan ni Meralco guard Chris Banchero si JL Delos Santos ng Converge.
PBA Image

MANILA, Philippines — Bumangon ang Meralco mula sa malamyang first period para balikan ang Converge, 116-88, sa PBA Season 49 Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Ang ikatlong sunod na arangkada ng Bolts ang nagtaas sa kanilang baraha sa 4-1 sa Group A, samantalang sadsad ang FiberXers sa 2-3.

Humakot si import Allen Durham ng 27 points, 14 rebounds at 6 assists habang iniskor ni Chris Banchero ang 12 sa kanyang 24 markers sa pagresbak ng Meralco sa second quarter.

“We didn’t start out too well like the last game. But as the game progressed it seems that we had more of a sense of urgency defensively,” ani coach Luigi Trillo. “I thought we played better defense in the se­cond quarter and then we started at third quarter.”

Pinamunuan ni import Scotty Hopson ang Converge sa kanyang 33 points kasunod ang 13 markers ni Alec Stockton.

Nagposte ang Fiber­Xers ng 12-point lead sa first period bago nakabawi ang Bolts sa second quarter sa likod ng 12 markers ni Banchero para agawin ang 53-50 halftime advantage.

Tuluyan nang nakawala ang Meralco sa third quarter matapos iposte ang 85-70 kalamangan patungo sa 93-73 pag-iwan sa Converge sa kaagahan ng final canto.

Samantala, pilit na wa­walisin ng Rain or Shine (4-0) ang first round sa Group B sa pagsagupa sa San Miguel (3-2) ngayong alas-7:30 ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.

Sa unang laro sa alas-5 ng hapon ay haharapin ng TNT Tropang Giga (3-1) ang Terrafirma (0-4) sa Group A.

Show comments