MANILA, Philippines — Target ni para swimmer Ernie Gawilan na magkaroon ng magarbong pagtatapos ang kampanya nito sa 17th Paris Paralympics.
Kaya naman ibubuhos na nito ang lahat sa kanyang huling event sa men’s 400m freestyle S7 race na idaraos ngayong araw sa Paris La Defense Arena.
Hawak ni Gawilan ang korona sa naturang event sa Asian level kung saan naghari ito sa 2018 Asian Para Games sa Jakarta, Indonesia at sa 2022 edition sa Hangzhou, China.
“Maayos ang pakiramdam ko. Bigay todo na ako dito,” ani Gawilan.
Bigo si Gawilan na makapasok sa podium sa men’s 200-meter individual medley SM7
Nagkasya lamang sa ikaanim na puwesto si Gawilan sa heat ng 200m IM preliminaries upang mabigong makapasok sa susunod na round.
Sa 400m freestyle, makakasama nito sa heat sina Inaki Basiloff ng Argentina, Andrii Trusov ng Ukraine, Yosjaniel Hernandez Velez ng Cuba at Yurii Shenhur ng Ukraine.
Si Basiloff ang nakakuha ng ginto sa 200m IM habang silver naman si Trusov.
Malakas sana ang tsansa ni Gawilan sa 200m IM para, ayon kay swimming coach Tony Ong subalit kinapos ito sa breaststroke leg ng naturang event.
Kung makakapasok si Gawilan sa finals ng 400m freestyle, idaraos ito bukas (Martes) sa parehong venue.