Cignal, Creamline unahan sa finals

Michele Gumabao ng Creamline
STAR/File

Akari, PLDT agawan din sa panalo

MANILA, Philippines — Dalawang championship ticket ang pag-aagawan ng apat na koponan sa knockout semifinals ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.

Magtutuos ang PLDT at Akari ngayong alas-4 ng hapon habang maghaharap ang Creamline at Cignal HD sa alas-6 ng gabi sa Philsports Arena sa Pasig City.

Ang dalawang mana­nalong tropa ang maglalaban sa ‘winner-take-all’ championship game sa Sabado sa MOA Arena sa Pasay City.

Sinibak ng Chargers ang Farm Fresh Foxies, 17-25, 25-18, 25-22, 25-23 habang pinatalsik ng High Speed Hitters ang Chery Tiggo Crossovers, 25-23, 25-27, 15-25, 25-18, 15-9, sa quarterfinals.

“Siguro hindi naman sa amin mas may pressure. Kasi ‘yung record naman namin hindi naman perfect eh,” ani PLDT coach Rald Ricafort sa pagsagupa nila sa Akari na nagtala ng 9-0 record.

Ito ang unang banggaan ng High Speed Hitters at Chargers sa torneo.

Sa ikalawang laro, pag-aagawan din ng Cool Smashers at HD Spikers ang finals berth matapos talunin ang Petro Gazz Angels, 25-23, 25-19, 25-18, at Capital1 Solar Spikers, 25-19, 36-34, 16-25, 22-25, 15-12, ayon sa pagkakasunod, sa quarterfinals.

“Actually, ‘yung mindset pa rin is it’s a do-or-die game para hindi namin makalimutan na laglagan ‘yung game,” ani Creamline outside hitter Bernadeth Pons sa pagsagupa nila sa Cignal.

Nakarating ang Cool Smashers sa semifinals bagama’t hindi naglalaro sina injured Alyssa Valdez at Tots Carlos.

Show comments