May asim pa si Troy Rosario.
Kumpara sa iba, kahit sa mga mas bata sa kanya, kay Troy pa rin ako.
May pinagdaanan lang ang 6-foot-7 na forward kaya nung nakaraan mga taon eh bumaba ang laro.
Ang balita ng katoto natin na si Homer Sayson ng Spin.ph, nagkasakit ang anak ni Troy.
Natagalan bumalik ang laro niya hanggang sa na-trade siya ng TNT sa Blackwater halos two years na ang nakalipas.
And sa panahon na ‘yun, may tinanggihan na offer si Troy mula sa Japan. Malaki ang offer for two years. Around P1 million a month.
Alam natin na dehins mo makukuha sa PBA ‘yan dahil P420,000 a month ang maximum salary nila.
Kaya may mga lumipat sa Japan at Korea eh dahil milyon kada buwan ang sahod meaning ang five years mo na kayod sa PBA eh baka in less than two years kaya mo kitain abroad.
Parang OFW na kumikita ng malaki.
After this conference, expired ang contract ni Troy sa Blackwater kaya waiting siya kung ano ang magiging future niya sa basketball.
Maganda ang nilalaro ni Troy lately kahit na 0-3 ang Blackwater sa Governors’ Cup.
Kung ma-extend or ma-trade man si Troy, may future pa naman.
Sabi nga ni Rico J, “May bukas pa.”