Alas Men naka-tanso uli

MANILA, Philippines — Muling kinuha ng Alas Pilipinas Men ang bronze medal sa Leg 2 ng 2024 Southeast Asia V.League matapos talunin ang Vietnam, 27-25, 14-25, 22-25, 25-21, 15-12, sa Yogyakarta, Indonesia.

Nagawa ito ng koponan bagama’t hindi naglaro si star hitter Bryan Bagunas na nagkaroon ng injury sa Leg One at Japan-bound Marck Espejo.

Ito rin ang nakuha ng tropa ni Italian coach Angiolino Frigoni sa Leg 1 ng SEA V.League na inilaro sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.

Noong nakaraang taon ay tumapos sa ikaapat na puwesto ang Alas Pilipinas Men sa Leg 1 at 2 ng nasabing torneo.

Hinirang si Michaelo Buddin ng Alas Pilipinas Men bilang Best Outside Hitter na nakamit din niya sa Leg 1.

Unang natalo ang Alas Pilipinas Men sa Indonesia, 24-26, 11-25, 15-25, sa pagsisimula ng torneo bago natalisod sa Thailand, 18-25, 21-25, 19-25.

Show comments