Akari gagawa ng adjustment

Isa si Ced Domingo sa mga aasahan ng Akari kontra sa Farm Fresh.
PVL photo

MANILA, Philippines — Ngayon pa lamang ay kailangan nang ayusin ng Akari ang mabagal nilang pagsisimula sa laro.

“All the games seem to start the same way. We need to fix our slow starts if we’re aiming for the championship,” sabi ni Japanese coach Taka Minowa matapos ang kanilang 21-25, 25-19, 25-17, 25-18 pagsibak sa Nxled noong Huwebes.

Puntirya ang pang-walong sunod na panalo, haharapin ng Chargers ang Farm Fresh Foxies ngayong alas-5 ng hapon sa Pool D sa second round ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Sa unang laro sa ala-1 ng hapon ay maglalaban ang Capital1 Solar Spi­kers at talsik nang Galeries Tower Highrisers kasunod ang laban ng Cignal HD Spikers at Chameleons sa alas-3.

Pasok na sa eight-team quarterfinal round ang Akari (7-0), Cignal (6-1), Petro Gazz (4-3) at Capital1 (4-3) kasama ang Creamline (5-2), PLDT (5-2) at Chery Tiggo (5-2) sa Pool C.

Asam ng Foxies (3-4), umiskor ng 25-17, 25-23, 25-20 panalo sa Solar Spi­kers sa huli nilang laban, ang krusyal na panalo kontra sa Chargers papasok sa knockout quarterfinals.

Muling aasahan ng Akari sina American im­­port Oly Okaro, Ivy Lac­sina,Grethcel Soltones, Camille Victoria at setter Michelle Cobb.

Itatapat ng Farm Fresh sina Colombian reinforcement Yeny Murillo, Trisha Tubu, Caitlin Viray, Rizza Cruz at Louie Romero.

Show comments