MANILA, Philippines — Huling nagkampeon ang Magnolia noong 2018 PBA Governors’ Cup.
At sa pagdating ni sophomore bigman Zav Lucero ay inaasahang muli itong makakamit ng Hotshots sa pagdribol ng PBA Season 49 Governors’ Cup bukas sa Smart Araneta Coliseum.
Malaking tulong ang maibibigay ng 6-foot-7 na si Lucero sa frontline ng Magnolia na binubuo nina 6’8 Ian Sangalang, 6’8 James Laput, 6’7 Rafi Reavies at 6’2 Calvin Abueva.
Para mahugot si Lucero mula sa NorthPort Batang Pier ay ibinigay ng Hotshots sina point guard Jio Jalalon at forward Abu Tratter.
Muli ring babandera para sa Magnolia sina Paul Lee, Mark Barroca, Aris Dionisio at Jerrick Balanza, habang si dating NBA Slam Dunk champion Glenn Robinson III ang kanilang ipaparadang import.
Kaagad mapapalaban ang Hotshots ni coach Chito Victolero sa pagbubukas ng PBA Governors’ Cup bukas sa Big Dome kaharap ang Meralco Bolts.
Itatapat ng Meralco, naghari sa nakaraang PBA Philipine Cup, si resident import Allen Durham.
Bago ang nag-iisang laro sa alas-7:30 ng gabi ay isasalang muna ang Leo Awards sa alas-5 ng hapon.
Inaasahang makakamit ni June Mar Fajardo ng San Miguel ang kanyang pang-walong MVP award.