Alas naka-bronze ulit sa Southeast Asian Volleyball League
MANILA, Philippines — Muling kumuha ng bronze medal ang Alas Pilipinas sa 2024 Southeast Asian Volleyball League (SEA V.League) matapos resbakan ang Indonesia, 20-25, 25-20, 16-25, 25-20, 15-10, sa Leg 2 sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Pumalo si collegiate standout Alyssa Solomon ng 25 points para banderahan ang mga Pinay spikers na nauna nang sumikwat ng tansong medalya sa Leg 1 ng torneo na idinaos sa Vietnam.
Nagdagdag si Sisi Rondina ng 18 points habang may 12 markers si Jema Galanza para sa ikalawang sunod na podium finish ng tropa ni Brazilian coach Jorge De Brito sa 2024 SEA V.League.
Hinirang ang pambato ng National University Lady Bulldogs bilang Best Opposite Spiker matapos magtala ng average na 10.3 points sa mga kabiguan ng Alas Pilipinas sa nagreynang Thailand at Vietnam.
Ito rin ang award na napanalunan ni Solomon sa Leg 2 ng 2023 edition sa Thailand kung saan kinatawan ng mga UAAP stars ang national team.
- Latest