MANILA, Philippines — Siyam na determinadong koponan ang magbabanatan sa bagong season ng Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) na magsimula sa Linggo sa Strike Gym sa Bacoor City.
Idedepensa ng Bacoor Strikers ang ang kanilang korona matapos nilang masungkit ang kampeonato sa inaugural season noong Disyembre.
Maliban sa Bacoor, papalo ng bola sa MPVA ang second-placer na Negros at third-placer na Marikina kasama ang mga nagbabalik na teams na Biñan, Rizal, San Juan at Caloocan.
Paparada ang bagong teams na Quezon Province at Valenzuela habang wala muna ngayong season ang Nasipit mula sa Agusan del Norte matapos ang kanilang paglahok sa inaugural season.
Masisilayan din ang dating pro volleyball players, varsity athletes at tatlong homegrown players mula sa kani-kanilang mga bayan.
Maghahatawan sa double-round eliminations ang lahat ng koponan kumpara sa single round lang sa inaugural season tampok ang Top 4 teams na makakapasok sa semifinals.
Makakasilo ng twice-to-beat incentives ang Top 2 teams pagdating sa Final Four.