Ginebra pinapirma si Abarrientos

MANILA, Philippines — Hindi na pinakawalan ng Barangay Ginebra si No. 3 overall pick RJ Abarrientos.

Kahapon ay pinapirma ng Gin Kings si Abarrientos sa isang maximum rookie three-year contract para makasama ang mga bagong hugot na sina Isaac Go at Stephen Holt.

Inaasahang maglalaro ang pamangkin ni PBA legend Johnny Abarrientos sa pagsagupa ng Ginebra sa reigning P.League+ champion New Taipei Kings sa isang one-night exhibition match sa Macau.

Samantala, tinalo ng Rain or Shine ang UAAP champions De La Salle University, 138-116, sa finals ng 39th Kadayawan Invitational Basketball Tournament sa University of Southeastern Philippines Gymnasium sa Davao City.

Winalis ng Elasto Painters ang nasabing four-team pocket tournament na sinalihan din ng Phoenix Fuel Masters at Converge FiberXers.

Inangkin naman ng Fuel Masters ang third place mula sa 87-81 paggupo sa FiberXers tampok ang 22 points at 17 rebounds ni import Jay McKinnis.

Ito ang unang pagkakataon na pinaglaro ng Converge si reinforcement Scotty Hopson na nagtumpok ng 16 points.

Show comments