MANILA, Philippines — Pamumunuan nina world champion Carlos Yulo ng gymnastics at Joanie Delgaco ng rowing ang kampanya ng Team Philippines sa 2024 Paris Olympics.
Hahataw ngayong araw sina Yulo at Delgaco sa kani-kaniyang events kung saan pakay ng dalawa na makapasok sa medal round sa magkahiwalay na laro.
Sasalang ang 24-anyos na si Yulo sa men’s artistic gymnastics individual all-around qualification na magsisimula sa alas-9:30 ng gabi (oras sa Maynila) na gaganapin sa Bercy Arena.
May 50 gymnasts ang maglalaban laban sa magkakahiwalay na dibisyon.
Hinati sa ito sa tatlong dibisyon.
Kasama si Yulo sa Subdivision 2.
Ang 24 mangungunang atleta ang papasok sa all-around finals na gaganapin naman sa Hulyo 31.
Walong gymnasts naman ang uusad sa final round sa bawat apparatus.
Nakasentro ang atensiyon kay Yulo sa men’s floor exerciss kung saan paborito itong masungkit ang gintong medalya.
Matatandaang nabigo si Yulo na makapasok sa finals ng naturang event sa 2021 Tokyo Olympics.
Nagkasya naman si Yulo sa ikaapat na puwesto sa men’s vault event sa Tokyo Games para umuwing walag medalya.
Kaya naman desidido si Yulo na makaresbak sa pagkakataong ito.
“All of my competition will serve as my revenge from the past Olympics,” ani Yulo.
Aminado si Yulo na marami itong natutunan sa kaniyang mga nakalipas na laban partikular na sa Tokyo Olympics.
“I am learning with every mistake, and with every competition that I join,” ani Yulo.
Sa kabilang banda, masisilayan naman sa aksiyon si Delgaco sa rowing event sa Vaires-sur-Marne Nautical Stadium.
Sasagwan si Delgaco sa women’s single sculls heats na magsisimula sa alas-4:12 ng hapon (oras sa Maynila).
Nasa Heat 2 si Delgaco kasama sina Slovenian Kostanjsek, Algerian Nihed Benchadli, Dutch Karolien Florijn, Swedish Aurelia-Maxima Katharina at Moroccan Majdouline El Allaoui.
Kailangan ni Delgaco na makapasok sa Top 3 s akaniyang heat para makapasok sa quarterfinals.
“Hindi naman ako pressured. Mas lamang yung excitement kasi makakalaban ko yung malalakas na rowers sa mundo,” ani Delgaco.