Yulo, Marcial at Delgaco unang lalaban sa Paris
MANILA, Philippines — Sisimulan nina gymnast Carlos Yulo, boxer Eumir Felix Marcial at rower Joanie Delgaco ang kampanya ng Team Philippines sa 2024 Paris Olympics na pormal na magsisimula sa Hulyo 26 sa France.
Lalarga ang tatlong Pinoy bets sa Hulyo 27, isang araw matapos ang engrandeng opening ceremony na ilalatag ng host country.
Tiwala si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino sa magiging laban ng mga Pinoy athletes kabilang na sina Yulo at Marcial na parehong beterano ng Tokyo Olympics.
Nakasungkit ni Marcial ng tansong medalya noong Tokyo Games para samahan sina Olympic gold medalist Hidilyn Diaz-Naranjo at silver medalists Carlo Paalam at Nesthy Petecio sa mga nakapag-uwi ng medalya noong 2021.
“We’re looking forward to Caloy [Yulo], Eumir and Joanie giving the country that strong start in Paris. They’re all ready and inspired and in high spirits,” ani Tolentino.
Nakatakdang tumulak si Tolentino sa Paris bukas (Martes) para pamunuan ang pambansang delegasyon.
Sa kabilang banda, inaasahang makapagbibigay din ng medalya si Yulo na world champion sa floor exercise at vault.
Pumang-apat lamang si Yulo sa vault noong Tokyo Olympics kaya’t inaasahang reresbak ito para makapasok sa podium.
Lalarga ang men’s individual all-around qualification round sa alas-9:30 ng gabi (oras sa Maynila) sa Hulyo 27 habang ang finals ay idaraos sa Hulyo 31.
Masisilayan naman sa aksyon si Marcial sa light-heavyweight division sa alas-9:30 rin ng gabi (oras sa Maynila).
Wala pang pangalan ng makakalaban ni Marcial dahil magkakaalaman pa sa drawing of lots ilang araw bago magsimula ang Paris Games.
Sasabak naman si Delgaco sa women’s single Sculls heats sa alas-3 ng hapon (oras sa Maynila).
Kasama ni Yulo sa gymnastics event sina Filipino-Americans Aleah Finnegan, Levi Jung-Ruivivar at Emma Malabuyom habang sasabak din sa boxing sina Petecio, Paalam, Aira Villegas at Hergie Bacyadan.
Ito ang ika-100 taong anibersaryo ng Pilipinas sa Olympic Games sapul nang lumahok ito noong 1924.
- Latest