Big City cagers kampeon sa Palaro basketball

MANILA, Philippines — Matagumpay na na­bawi ng National Capital Region (NCR) ang korona nito sa secondary boys basketball sa Palarong Pambansa kahapon sa University of San Carlos Gym sa Cebu City.

Itinarak ng Big City ca­gers ang matikas na 86-71 panalo laban sa Central Luzon sa finals upang matamis na angkinin ang gintong medalya.

Magandang resbak ito para sa NCR na natalo sa Central Visayas sa finals noong nakaraang taon sa Marikina City dahilan para magkasya lamang ito sa pilak na medalya.

Kinatawan ng NCR ang pambato ng National University Nazareth School na agad na nagpasabog ng malakas na puwersa sa first half para tambakan ang Central Luzon na binabanderahan ng St. Agustin Institute of Pampanga.

“Sobrang saya na mabawi yung crown. Last year natalo kami sa finals sa home court namin (NCR) against Central Visayas. Ngayon nabawi namin yung crown sa Cebu (Central Visayas),” ani NU coach Leo Pujante.

Solidong laro ang ipina­malas ng Bullpups na pinamunuan ni Timothy Matias, na anak ni dating PBA star Ronnie Matias nang magtala ito ng 16 puntos.

Si Matias ang itinanghal na tournament MVP.

Naibulsa naman ng Davao Region (Cor Jesu College) ang tanso nang payukuin nito ang Calabarzon Region (Lyceum) sa battle-for-third, 75-72.

Sa boys elementary division, wagi ang Western Visayas sa Central Luzon, 54-49, para makuha ang ginto.

Show comments