LARO BUKAS
(Smart Araneta Coliseum)
4 p.m. – New Zealand vs Canada
6 p.m. – Thailand vs UK
8 p.m. – Philippines vs North America
MANILA, Philippines – Kaagad sasagupain ng Davao City-NTB Wolves ang bisitang North America team sa pagdribol ng PSL Global Championship Challenge ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Haharapin ng Davao City-NTB Wolves, kinatawan ng Pilipinas sa Born 2004 division, ang North America na gagabayan nina dating PBA players Romel Santos at Dale Singson sa alas-8 ng gabi.
Bitbit nina Santos at Singson ang ilang prominenteng Fil-American players at Pinoy cagers na nakabase sa North America sa ilalim ng NABA Intercity, ang grupo na pinamumunuan ni three-time Letran champion coach Larry Albano.
Kabilang sa mga ito ay sina 6-foot-4 Kyle Perez, 6’4 Jason Suba at guard Richmond Casino.
Sina Suba at Casino ay naglaro sa NBTC noong nakaraang taon at maglalaro para sa UST at Lyceum.
Pamumunuan naman ang Philippine under-20 team ng nagkampeong Davao-NTB Wolves nina dating PBL player Jigger Saniel at dating Meralco guard Pong Escobal.
Sasandig ang tropa kay reigning National Finals MVP John Eimrod Rodulfa.
Sasabak rin sa unang araw ng kumpetisyon ang New Zealand at Canada sa Born 2008 division at ang Thailand at United Kingdom sa Born 2006.
Lahat ng mga koponang kasali sa PSL Global Championship Challenge ay binubuo ng mga batang manlalarong Pinoy na nakabase sa abroad.
Bago magsimula ang mga laban ay, pormal na bubuksan ng PSL ang kanilang itinuturing na flagship event kung saan gagawin ang parada ng mga koponan at live performances mula kina It’s Showtime co-host Jackie Gonzaga at Pinoy band Silent Sanctuary.
Agad na mapapalaban ang Davao, kinatawan ng Pilipinas sa under-20 division ng PSL Global Championship Challenge kontra North America.