Lady Knights sasagupa sa Lady Bulldogs sa semis

Hinatawan ni Celine Marsh ng NU si Katrina Inot ng USPF sa Shakey’s Super League National Invi- tationals.

MANILA, Philippines — Maghaharap ang reigning UAAP champions National University at NCAA first runner-up Letran  sa semifinals matapos magtala ng magkahiwalay na panalo sa quarterfinals knockout ng 2024 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals na nilaro sa Ninoy Aquino Stadium kahapon.

Naayos ng Intramuros-based squad Letran ang kanilang date sa Lady Bulldogs matapos nilang tuhugin ang 25-22, 25-18, 25-23 panalo kontra University of Batangas Lady Brahmans sa pangalawang laro.

Sinadalan ng Lady Knights ang opensa ni Gia Maquilang matapos irehistro ang 16 points mula sa 12 spikes, tatlong service aces at isang block sa event na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Eurotel, Victory Liner, Team Rebel Sports at Mikasa.

“Masaya ako kasi makakaharap namin ang UAAP champions, basta gawin lang namin ‘yung sinasabi ni coach,” saad ni Maquilang.

Unang sumampa sa semis ang Lady Bulldogs nang lapain nila ang kasalukuyang CESAFI Champions, University of Southern Philippines Foundation Lady Panthers, 25-11, 25-12, 25-14.

 Magsisimula ang bakbakan sa pagitan ng Lady Bulldogs at Lady Knights sa alas-2 ng hapon kung saan sasampa sa Best of Three Finals ang mananalo.

Show comments