MANILA, Philippines — Nagparamdam na ng lakas si two-time World Junior Championships veteran Micaela Jasmine Mojdeh ng Calabarzon Region matapos kumana ng dalawang bagong record sa 2024 Palarong Pambansa swimming competition sa Cebu City Sports Center sa Cebu City.
Ito ang huling taon ni Mojdeh sa Palaro.
Kaya naman nais nitong magkaroon ng magarbong exit nang burahin nito ang rekord sa girls secondary 200m butterfly event sa itinalang 2:41.75.
Mas maganda ito kumpara sa lumang rekord ni Xiandi Chua na 2:43.78 noong 2019 Palaro.
Nauna nang naglista si Mojdeh ng bagong rekord sa secondary girls 200m butterfly event hawak ang 2:19.72 para basagin ang dating markang 2:22.69 na kanya ring naisumite noong 2019 edisyon sa Davao.
“I guess when I was 12, I was very concerned with other people’s expectations and this time I just really had to let go of those expectations and really just enjoy myself,” ani Mojdeh.
Hahataw pa si Mojdeh sa apat na individual events at dalawang relays.
Patuloy ang pagwasak sa mga rekord sa Palarong Pambansa kabilang na ang bagong marka na naitala ni Charles Daniel Turla ng Western Visayas Region kahapon sa athletics.
Itinarak ni Turla ang pangalan nito sa aklat ng mga record breakers matapos pagharian ang elementary boys javelin throw sa ibinatong 60.26 meters.
Tinabunan ni Turla ang dating Palaro record na 57.50m.