Gilas Women silat sa Japan

MANILA, Philippines — Bigo ang Gilas Pilipinas Women na makumpleto ang pagbangon mula sa isang 15-point deficit sa third period matapos malusutan ng Japan Univer­siade, 83-85, sa 43rd William Jones Cup kahapon sa Xinzhaung Gymnasium sa New Taipei City, Taiwan.

Laglag ang mga Pinay cagers sa 1-2 matapos ilista ang unang panalo mula sa 74-63 paggupo sa Malaysia noong Linggo.

Diretso ang mga Japanese dribblers sa pagpoposte ng 3-0 record.

Matapos kunin ang 48-37 halftime lead ay pinalobo ng Japan Universiade ang kanilang bentahe sa 15 points, 52-37, sa pagsilip ng third quarter.

Huling nakadikit ang tropa ni coach Patrick Aquino sa 83-83 mula sa dalawang free throws ni Bernardino sa huling 25.4 segundo.

Ngunit na-foul ni Bernardino si Sara Yamada na nagresulta sa dalawang foul shots nito para sa 85-83 abante ng mga Japanese sa huling 5.3 segundo.

Bigo si Naomi Panganiban na maipasok ang kanyang triple sa posesyon ng Gilas Women pagtunog ng final buzzer.

Show comments