MANILA, Philippines — Bigo ang Alas Pilipinas na makausad sa semifinals ng 2024 FIVB Women’s Volleyball Challenger Cup matapos matalo sa Vietnam, 14-25, 22-25, 21-25, sa knockout quarterfinals kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Matapos mahulog sa 0-2 ay lumaban nang sabayan ang mga Pinay spikers sa likod nina Angel Canino, Sisi Rondina at Vanie Gandler sa third set para makatabla sa 20-20.
Ngunit hinataw ni Thi Bich Tuyen Nguyen ang apat sa huling limang puntos ng mga Vietnamese para selyuhan ang kanilang panalo.
Si Tuyen Nguyen ang hinirang na Most Valuable Player ng nakaraang 2024 AVC Challenge Cup kung saan hinablot ng Alas Pilipinas ang makasaysayang bronze medal.
Haharapin ng Vietnam ang Czech Republic ngayong alas-6:30 ng gabi sa isang knockout semis duel.
Magtutuos naman ang Belgium at Puerto Rico sa isa pang semis match.
Tinalo ng Belgium ang Sweden, habang giniba ng Puerto Rico ang Kenya sa quarterfinals.
Samantala, pinadapa ng Czech Republic ang No. 17 Argentina, 25-15, 25-22, 25-16, papasok sa semifinals.
Pumalo si team captain Michaela Mlejnkova ng 13 points mula sa 12 attacks at isang block para sa mga Czech team, habang may 10 markers si Gabriela Orvosova.
“It’s great because this was the hardest game I think of the competition. It’s really an important game because if you win you stay, if you lose you go home,” wika ni Mlejnkova.
“So for us, it’s really important and yeah, I’m so happy we won,” dagdag nito.
Nag-ambag si Helena Havelkova ng siyam na puntos kasunod ang walong marka ni Magdalena Jehlarova.
Pinamunuan ni Candelaria Herrera ang Argentina sa kanyang 10 points.