GREECE — Kumolekta si Dallas Mavericks star Luka Doncic ng triple-double na 36 points, 11 rebounds at 10 assists sa paggiya sa Slovenia sa 104-78 pagpapatalsik sa New Zealand patungo sa semifinals ng FIBA Olympic qualifying tournament dito sa Piraeus.
Sasagupain ng Slovenia sa semifinals ang Greece na nagbabandera kay NBA All-Star forward Giannis Antetokounmpo ng Milwaukee Bucks.
Ang magwawagi ang papasok sa finals kung saan pag-aagawan ang tiket para sa 2024 Paris Olympics.
Nag-ambag si Josh Nebo ng 20 points at 10 rebounds para sa panalo ng Slovenia.
Kumamada naman si Shea Ili ng 28 markers para pamunuan ang New Zealand.
Sa kabila ng hindi paglalaro ni Antetokounmpo ay pinatumba pa rin ng Greece ang Egpyt, 93-71.
Bumanat sina Konstantinos Mitoglou at Georgios Papagiannis ng tig-16 points para sa Greece.