Belen mananatili sa NU para sa UAAP Season 87
MANILA, Philippines — Desidido si reigning UAAP Season 86 MVP at Best Outside Hitter awardee Bella Belen na muling bigyan ng kampeonato ang National University sa susunod na season ng liga.
Pormal na inihayag ni Belen na muli itong maglalaro para sa Lady Bulldogs sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament.
May dalawang korona na si Belen sa UAAP.
Una nitong nakuha ang kampeonato noong Season 84 sa kanyang rookie year — ang parehong taon kung saan itininanghal itong Rookie-MVP.
Bigo na madepensahan ng Lady Bulldogs ang korona noong Season 85 matapos matalo ang tropa sa De La Salle University sa finals.
Subalit matikas ang pagresbak ng NU nang mabawi nito ang kampeonato sa Season 86 matapos talunin ang University of Santo Tomas sa finals.
Matapos ang season, kaliwa’t kanan ang bali-balitang tutungtong na si Belen sa pro league.
Kaya naman tinuldukan na ni Belen ang mga haka-haka.
“Redemption complete. We’re not yet done. Time to make it two in a row! See you all next season,” wika ni Belen sa kanyang post sa social media.
Bahagi si Belen ng Alas Pilipinas na naghahanda para sa 2024 Challenger Cup na lalaruin sa Hulyo 4 hanggang 7 sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
- Latest