Beermen, Bolts patayan sa 3-2 lead
MANILA, Philippines — Dalawang panalo pa ang kailangan ng San Miguel at Meralco para makopo ang Season 48 PBA Philippine Cup crown.
Tabla sa 2-2 sa best-of-seven championship series, pag-aagawan ng Beermen at Bolts ang mahalagang 3-2 lead sa kanilang salpukan sa Game Five ngayong alas-7:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nakabawi ang San Miguel mula sa kabiguan sa Game Three nang angkinin ang 111-101 panalo sa Game Four ng PBA Finals noong Miyerkules.
“It’s a great win for us, ‘no, but we just tied the series and we just made it a best-of-three,” sabi ni Beermen coach Jorge Gallent.
Sa nasabing pagresbak sa Bolts ay humakot si seven-time PBA MVP at Best Player of the Conference June Mar Fajardo ng 28 points at 13 rebounds habang may 22 at 18 markers sina CJ Perez at Marcio Lassiter, ayon sa pagkakasunod.
Kumonekta rin si Lassiter ng apat na three-point shots at pitong triples na lamang ang agwat para ungusan si PBA legend Allan Caidic sa No. 2 sa all-time 3-pointers made list.
May 1,242 tres si Caidic.
Pinaglaro rin ni Gallent sina veteran power forward Vic Manuel at scoring guard Terrence Romeo na nag-ambag ng walo at pitong puntos, ayon sa pagkakasunod.
“Nag-step up kami lahat. Kahit sinong ipinasok ni coach, nag-step up lahat kaya nakuha namin iyong panalo,” ani ng 6-foot-10 na si Fajardo na kaagad umiskor ng 12 points sa first period para sa double digit lead ng SMB sa Meralco.
- Latest